Saturday, September 29, 2007

Ibang Klaseng Opensiba ni Sen. Gordon

Column of ENGR. Nelson P. Ramirez for Pinoy Shimbun.
The widely read Filipino Newspaper in Japan.


Ibang Klaseng Opensiba ni Sen. Gordon


Habang nakipagbakbakan ang ating mga magigiting na sundalo sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Mindanao, ibang klaseng opensiba naman ang ginawa ni Senador Richard Gordon nang pumunta siya sa Jolo. Dinala niya ang medical team ng Philippine Red Cross upang magsagawa ng medical mission sa ating mga kababayang Muslim na napinsala dahil sa mga kaguluhang nagaganap sa kanilang kapaligiran kahit hindi naman sila direktang kasali roon.

*******

Marami sa ating mga kababayang Muslim ang nagkakasakit at namatay na hindi man lang nakakita ng doktor dahil sa malayo sila sa kabihasnan at dahil na rin kahirapan. ‘Yan ang isa sa mga dahilan na nagtutulak ng marami sa kanila na sumama sa mga masasamang elemento at maghasik ng kasamaan sa gawing katimugan ng Mindanao dahil sa pakiramdam nila ay napabayaan na sila ng ating pamahalaan.

*******

Si Sen. Gordon ay naniniwala na ang labanan sa Mindanao ay matatapos sa pamamagitan ng palitan ng bala sa pagitan ng ating mga sundalo at rebelde. Sa ating kasaysayan, tanging ang Jolo lamang ang hindi nalupig ng mga dayuhan. Hindi nagtagumpay ang Kastila at Hapon sa kanilang pananakop.

Kaya sa pagpunta ng butihing Senador doon kamakailan, dala niya ang mga doctors at nurses at dala din niya ang isang C-130 airplane na ginagamit ng Armed Forces of the Philippines upang magdala ng medesina at sa pagbalik naman ng nasabing eroplano sa Manila ay may lulan na itong mga ibat-ibang prutas at produkto ng Jolo upang maibenta sa mataas na halaga at maging dagdag kabuhayan para sa nasabing lugar.

Tinawag ni Gordon na “Fruits of Hope” ang kanyang programa na umani nang maraming mga papuri sa maraming kababayan nating Muslim, partikular sa katimugang Bahagi ng Mindanao. Naniniwala si Gordon na ang mga prutas mula sa Jolo at Sulu ang siyang magiging harbingers of peace sa pagitan ng mga sundalong militar at rebeldeng Muslim.

*******

Ang isla ng Jolo ay sagad sa biyaya ng kalikasan. Ang mga prutas na kagaya ng mangosteen, durian, lanzones, marang, dalanghita ay tumutubo lang na ligaw kahit saan. Mayaman din ang Jolo sa lamang-dagat ngunit hindi nila naibebenta ang kanilang mga produkto sa tamang halaga dahil sa kakulangan sa transportasyon. Naibebenta lang nila ng medyo maganda-gandang presyo kung ito ay madadala nila sa Zamboanga, kaya kadalasan nabubulok na lang ang kanilang mga paninda. Alam ko ito dahil isinilang at lumaki ako sa Mindanao at tumira ako sa Jolo at Basilan.

*******

Kamakailan lamang umani ng papuri si Sen. Gordon nang nagbigay siya ng isang privilege speech sa Senado upang ipagtanggol ang ating mga marino na pinagsamantalahan ng mga ganid na may-ari ng maritime training centers na kakuntsaba ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Ibinulgar ni Gordon ang mga katiwalian sa industriya maritima at pamumunuan niya ang isang malawakang imbestigasyon upang masugpo ang mga anomalya na nagaganap sa nasabing industriya. Si Gordon na ngayon ang tinuturing na bayani ng mga marino.

*******

Ibang klase talaga si Sen. Gordon. Nauuna siyang dumating sa lugar kung saan may sakuna at kalamidad. Nung nagkaroon ng malawakang pagyanig sa bansa noong 1990, isa siya sa pinakaunang opisyal ng bansa bilang opisyal ng Philippine National Red Cross na sumuporta para sa gumuhong paaralan sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Pagkatapos, tumuloy din siya agad sa Baguio City upang tumulong rin sa pagsalba sa mga nasawi at survivors ng isang gumuhong hotel sa lugar bunga ng malakas na pagyanig.

Nung pumutok ang Mt. Pinatubo sa Zambales noong 1991, si Senador Gordon ang namuno para iligtas ang daan-dang mga Aetas na naninirahan sa paanan ng nasabing bulkan. Kasalukuyan pa lang siyang mayor noon ng Olongapo City pero lumabas siya sa kanyang teritoryo para manguna sa pagtulong ng kanyang mga kababayang Aetas.

*******

Nung nagkaroon ng malawakang baha sa Olongapo City noong 1994 kung saan si Senador Gordon ay Chairman na ng Subic Bay Metropolitan Authority, pinangunahan niya rin ang pagliligtas ng ilang daang pamilya na sinalanta ng malaking baha dahil hindi na kayang abutan ng anumang rescue teams na manggagaling pa sa Manila. Kung wala siya sa panahong iyon, ay malamang marami ang nangasawi sa trahedyang iyon.

*******

Sa naganap na Ormoc tragedy nung late 90s, nandun din sa Senador Gordon upang manguna sa relief and rescue operations. Nandun rin siya para manguna sa rescue and relief operations sa nangyaring landslide sa St. Bernard sa Guinsaugon, Southern Leyte. Nang pumutok ang SARS epidemic sa bansa, nanguna rin si Sen. Gordon para tumulong sa pag-apula ng endemya sa bansa. Basta may sakuna, siguradong naroon ang ating butihing Senador kaya hindi na nakakapagtaka na makita siya sa Jolo upang magsagawa ng relief operations at magbigay ng masiglang pag-asa na puwede pang makamit ang pangmalawakang kapayapaan sa katimugang bahagi ng Mindanao.

*******

Ang katangiang ito ang nagdala kay Senador Richard Gordon para tanghaling Chairman ng Philippine National Red Cross. Bilang pinuno ng Red Cross, siya ang nagdala sa Pilipinas ng pinakaunang state-of-the-art Red Cross mobile rescue and ambulance truck na ngayon ay nagagamit na ng organisayon para agad rumesponde sa mga sakuna sa anumang bahagi ng bansa. May ilang beses na rin niyang binigyan ng karangalan ang bansa bilang pinuno ng Red Cross sa international front.

*******

Talaga namang hinding-hindi matatawaran ang puso ni Sen. Gordon sa oras ng pagtulong sa kanyang kapwa. Bukod pa doon ay kilalang-kilala na ang kanyang leadership qualities na ilang beses niya na ring ipinamalas sa buong bansa. Sino ba ang makakalimot sa ginawa niyang pagbabago sa Olongapo City noong siya ang maging alkalde nito nang may ilang taon? Kung dati, kilala lang ang Olongapo bilang lugar ng mga taong mahilig magsabi ng ‘Hey Joe,’ naging isang progresibong siyudad ito sa ilalim ni Sen. Gordon. Mas naging batikan ang kasabihang “Bawal ang Tamad sa Olongapo,” sampu ng iba pang mga slogans na ngayon ay pinapamarisan na ng maraming komunidad sa bansa maging ng Metro Manila

*******

Sino rin ang makakalimot sa ginawang pagbabago ni Sen. Gordon sa Subic Bay Freeport nung umupo siya bilang pinakaunang Chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority? Nung iniwan ng mga Amerikano ang Subic naval base, may ilan ang nagduda na mahihirapang ayusin agad ang lugar dahil nga sa kakulangan ng tamang imprastraktura at ang mga naiwan ay halos pinaglumaan na ng mga Kano. Pero ilang taon lang ang nagdaan sa ilalim nang pamununo ni Sen. Gordon at nakilala na ang SBMA bilang pinaka-progresibong export zone ng bansa. Si Sen. Gordon ang nagbigay ng buhay sa Subic at naglagay dito sa international economic map at ang mga humalili sa kanya ay ipinagpatuloy na lang ang kanyang magandang simulain.

*******

Kailan ba naging popular ang ‘Wow Philippines?’ Hindi ba nang umupo si Sen. Gordon bilang kalihim ng Department of Tourism. Ang laking pagbabago ang naganap sa mga tourist attractions ng bansa nang maging DOT Secretary si Sen. Gordon. Nagkaroon ng nawawalang sustansiya ang turismo ng bansa nang siya’y maging pinuno ng departamento. Sa ilalim ng programang “Wow Philippines” nabuhay muli ang halos nakalimutan ng tourist spot na kagaya ng Intramuros, na pinamugaran na ng maraming mga squatters.

*******

Ang laki ng itinaas ng turismo ng bansa dahil sa programa ni Sen. Gordon. Sa termino niya rin bilang DOT Secretary lumabas ang advertisement ng Pilipinas sa international news network na CNN na talaga namang nagdala ng milyong mga dayuhang turista sa bansa na ngayon ay tinatamasa na ng bansa.

*******

Ang mga accomplishments ni Sen. Gordon ay sadya namang hindi matatawaran ng maski sino mang mga kinikilalang lider ng bansa sa kasalukuyan. Siya lang ang may sapat na karanasan, kakayahan, katalinuhan at kabutihing-loob na puwedeng magbigay ng mas maaliwalas na buhay para sa mga Pilipino lalo’t marami ang nagtutulak sa kanya, kasama na ang inyong abang lingkod, para tumakbo bilang susunod na Pangulo ng bansa sa darating na 2010.

*******

Hindi na kailangan pang magsalita ni Sen. Gordon dahil nakita na ng buong mamamayang Pilipino ang kanyang husay at talino bilang isang lingkod-publiko. Iyan ang tatak ng isang opisyal na karapat-dapat maging Pangulo ng ating bansa.

No comments: